Sunday, May 15, 2011

Patintero

Matagal na akong naglalaro ng patintero. Hindi ko ipagkakailang magaling akong maglaro nito. Siguro dahil mas matanda na ako ngayon, at hindi na ako ganoon ka-bilis tumakbo o ka-galing sumingit. Pero noong mas madalas pa akong maglaro, isa ako sa magagaling sa grupo ko.

Dahil tuwang-tuwa ako sa patintero, marami na rin akong naturuang mag-laro, marami na rin akong natutunan sa kakalaro. Siguro masasabi kong naging parte na rin ng buhay ko ang patintero.

Minsan, nag-aya akong magpatintero. Madami akong niyaya dahil alam kong masisiyahan sila sa laro, at dahil alam ko rin na yung mga kalaro ko dati ay matutuwa kapag mas madami kaming naglalaro, lalo pa’t mga bagong mukha ang makakalaro namin. Noong una, may mga ayaw sumali, may mga ayaw magpasali. Pero dahil sa kagustuhan kong makapaglaro at magsaya – di lang ako pero pati ang mga kaibigan ko – talagang sinikap ko at ginawa ko ang makakaya ko upang makapaglaro sila. Pagakatapos ng sandaling panahon; ayun, naglalaro na kami ng patintero.

Pero napansin ko na medyo nagbago ang laro. Una, napansin ko na hindi na ako nakakapaglaro masyado. Hindi dahil ayaw ko, kindi dahil nagpapatintero pala sila nang hindi ko nalalaman. Siguro dahil magkakapareho sila ng estilo ng paglaro, siguro dahil hindi na ako ganoon ka-galing, o dahil siguro ayaw lang nila akong kalaro.

May mga pagkakataong nakakapaglaro ako. Pero napansin ko na tuwing kasali ako sa laro, panay antenna o patotot ang binibigay na papel sa akin. Kumpleto na daw sila.

Yun yung masakit. Ikaw na nga yung nagyaya, ikaw pa yung nagging saling pusa.

No comments:

Post a Comment